Mga Uri Ng Washing Machine
Ngayon po ay simulan na nating pag-usapan ang tungkol sa washing machine. Ang iba’t ibang uri nito ay ang mga sumusunod; Single Tub, Twin Tub, Top Load Automatic at Front Load Automatic Washing Machine.
Umpisahan natin sa SINGLE TUB WASHER. Ito ang pinakasimple sa apat na nabanggit. Kaya tinawag na single ay dahil wala itong kasamang dryer. Kailangan mong pigaan ang damit para maalis ang tubig nito bago isampay ang damit. Top load ito o sa ibabaw buksan ng washer. Manual ang paglalagay ng tubig at detergent. Ang pulsator sa gitna ng washer ay umiikot upang paikutin ang tubig at damit kaya nagkakaroon ng washing action. Meron itong wash timer upang i-set mo kung ilang minuto ito iikot para malinis damit o fabric. May hose ito sa likod para sa pagdrain ng tubig.
Ang pangalawa ay ang TWIN TUB. Ito ay tulad din ng single tub ngunit ito ay may kasama ng dryer. Manual din ang paglalagay ng tubig at detergent. Malaking space ang kinakain nito dahil meron itong dryer. Dahil magkahiwalay ang washer at dryer, kailangan ilipat ang damit mula sa washer papunta sa dryer. May wash at dry timer ito nakailangan mo i-set para sa tagal ng washing time at drying time. Ang dryer nito ang nagpipiga ng damit ng hanggang 80% na dry upang mas madali itong matuyo. Kailangan mo parin isampay ang damit para tuluyan na itong matuyo.
Ang karaniwang katawan ng single tub at twin tub washing machine ay plastic kaya dapat mong ingatan ito para hindi madaling masira.
Ang pangatlo ay ang Top Load Automatic Washer. Ito ay malaki ng konti sa single tub washer ngunit magkasama na dito ang washer at dryer. Ang top load washer ay karaniwang ikinakabit na sa faucet o tubo ng tubig upang awtomatikong pumasok ang tubig dito kapag nagumpisahan na ang wash cycle. Ang detergent ay awtomatiko ring nailalagay dito mula sa detergent compartment ng washing machine. Ang tubig ay papasok sa loob ayon sa bigat o dami ng damit sa loob. Ang pulsator ay gagana ayon sa wash time na nakaprogram sa makina. Pagnatapos na ang wash cycle, ang dry cycle naman ang susunod upang tuyuin ang ang damit. Kapag tumunog ang bell ng washing machine ibig sabihin ready na para isampay. May mga settings ito depende sa tela na iyong lalabhan kaya mainam na basahin ang user’s manual para malaman ang mga uri ng damit at settings para dito.
Ang pang-apat ay ang Front Load Automatic Washer. Tulad din ito ng Top Load, ngunit ang kaibahan lang ay nasa unahan ng washing machine ang pintuan nito. Kapag nagsimula na ang wash cycle hindi na pwedeng buksan ang pinto nito. Tulad din ng top load, may water inlet ito na nakakabit na sa tubo at ang detergent ay nangagaling sa detergent compartment na ilalagay bago magsimula ang wash cycle. Ang wash at dry cycle nito ay automatic din. Meron din itong settings para sa iba’t ibang uri ng tela. Ang malaki lang kaibahan at bentahe ng front load kumpara sa top load ay mas matipid ito sa tubig, detergent at kuryente. Mas maganda ang linis ng damit dahil sa tumbling action nito dahil ang damit ay humahampas sa drum na umiikot kaya para mo narin siyang ginamitan ng palo-palo. Pagkatapos ng wash cycle ay awtomatiko na rin itong magdry o matuyo at kapag nagbell na ibig sabihin ready na ito para isampay. Kung may heat dryer ito, tuyo na ang iyong damit.
Meron na rin pong top at front load washers na ang ginagamit ay inverter motor na mas matipid sa kuryente at environment friendly.
Mahalaga ang pagkakaroon ng washing machine sa bahay, lalo na sa mga taong ayaw maglaba o kaya allergy sa sabong panlaba ang kamay. Para din ito sa mga nanay na gusto ng mas maraming panahon sa mga anak at sa asawa. Pwede ka rin mag multi-task kapag fully automatic ang washer mo dahil pwede mo itong iwan at pagbinalikan mo tuyo na ito. Ang single at twin tub ay mas mura kumpara sa top load at front load washers, ngunit mas konbinyente gamitin ang mga fully automatic na washers. Depende sa inyong pangangailangan at budget, pumili ng angkop sa inyong pangangailangan.
Related Videos:
Mga Benepisyo ng Split Type Aircon
Dapat Tandaan Sa Pagbili Ng Television
Dapat Tandaan Sa Pagbili Ng Refrigerator
Top Seven 4K UHD LED Television of 2020
Magnegosyo ng Appliances ng Walang Puhunan
0 comments